SHANICE MARIELLE BELEN

miriamcampaign.jpg

MIRIAM DEFENSOR – SANTIAGO
“THE IRON LADY OF THE PHILIPPINES”


BAKIT PINILI KO ANG BABAING ITO BILANG AKING INSPIRASYON?

Si Miriam Defensor Santiago ay isa sa kilalang pinaka mahusay sa larangan ng politika, isang babaeng may tunay na tapang at katuwiran. Napakaraming ulat may kinalaman sa kanya ang nagpapatunay na ang intelektuwal na kapasidad ng Pilipinang ito ay mataas at kahanga hanga. Hindi naging madali ang buhay niya bagaman isa siyang matapang at palaban na tao. Namatayan siya ng anak, napagbintangan at nasampahan ng kaso sa kuropsiyon at libelo na nang maglaon ay napawalang bisa rin naman at, nadaya pa nga sa halalan ng pagka presidente. Sa kabila nito naipakita pa rin niya na kayang magtagumpay ng isa kahit pa dumating ang iba’t ibang pagsubok.

Para sa isang kabataang babae na katulad ko ay masasabi kong isang taong  nararapat tularan si Miriam Defensor Santiago. Isa siyang inspirasyon sa akin dahil nakita ko kung paano niya ipinaglalaban ng may katuwiran ang mga bagay na talaga namang tama at kung paano niya ipinamamalas ang tapang para sa kapakinabangan ng lahat at upang makatulong. Napapatibay rin ako sa tuwing napapakinggan ko kahit sa maikli ang kaniyang mga pahayag at paraan ng pagsasalita dahil mula roon ay napapahalagahan ko ang talino at kaniyang sakripisyo para mapaglingkuran ang bayan. Itinutuwid niya ang mga bagay na sa tingin niya ay kailangang ituwid. Patuloy siyang lumalaban bagaman may karamdaman na at maging hanggang sa ngayon ay naglalaan pa rin ng tulong na para sa bayan sa pamamagitan ng tapang at talino niya.

Nakatutuwang isipin na napatunayan ni Miriam Defensor Santiago na hindi  mahina ang kababaihan. Binigyan niya ng dagdag na lakas at halaga ang kababaihan, katulad ko bilang isang babaing Pilipino, sa pamamagitan ng pagiging halimbawa niya. Dahil sa kaniya ay mas kumbinsido ako na kayang-kaya ng isang Pilipina na katulad ko na magkaroon ng tapang at talino para ipaglaban ang mga bagay na mahalaga at tama.

Leave a comment